AGRI Party-list
05/04/2026
Maligayang Pasko ng Pagkabuhay!
Nawa’y ang diwa ng muling pagkabuhay ni Kristo ay magsilbing inspirasyon upang patuloy nating ipaglaban ang kapakanan ng ating mga magsasaka at mangingisda, at ang mas maliwanag na kinabukasan ng Pilipinas. 🇵đź‡
18/03/2026
WALANG SEKTOR ANG DAPAT MAIWAN!
Malugod nating tinatanggap ang hakbang ng Department of Agriculture sa pamamahagi ng fuel subsidies para sa ating mga magsasaka at mangingisda na lubhang naaapektuhan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo dulot ng umiigting na sigalot sa Middle East.
Malaking tulong ito upang kahit papaano ay maibsan ang bigat ng gastusin sa produksyon ng ani, at masuportahan ang kanilang patuloy na pagsisikap na matiyak ang suplay ng pagkain sa hapag ng bawat pamilyang Pilipino.
Gayunpaman, nananawagan ang AGRI Party-list sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan:
Sa Department of Agriculture (DA):
Habang nagpapatuloy ang pagtaas ng presyo ng gasolina, gawing monthly ang pagbibigay ng fuel subsidy sa ating mga magsasaka at mangingisda upang patuloy na makatulong na maibsan ang epekto nito sa kanilang kabuhayan, at masiguro na hindi mapipigilan ang kanilang produksyon ng pagkain.
Sa Department of Social Welfare and Development (DSWD):
Isaalang-alang din ang monthly fuel subsidy para sa ating mga tricycle at jeepney drivers at operators upang mapanatili ang kanilang operasyon at tuloy-tuloy na maihatid ang serbisyong pampubliko sa ating mga kababayan.
Sa Department of Labor and Employment (DOLE):
Bigyang prayoridad ang mga pamilya ng ating mga OFW na apektado ng sigalot sa Middle East sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), upang magsilbing karagdagang kita at pansuportang hanapbuhay sa kanilang mga pamilya.
Ang mga programang ito ay dapat ipagpatuloy hanggang sa humupa ang kasalukuyang krisis sa presyo ng langis at tuluyang maging matatag ang sitwasyong pang-ekonomiya.
Sa panahon ng pandaigdigang hamon, kinakailangan ang maagap, makatao, at inklusibong tugon ng pamahalaan.
Ang AGRI Party-list ay naninindigan na ang bawat magsasaka, mangingisda, at manggagawang Pilipino ay nararapat suportahan—hindi lamang sa panahon ng krisis, kundi sa patuloy na pagbangon ng ating ekonomiya.
Walang sektor ang dapat maiwan.
06/03/2026
Taos-pusong pagbati sa ating ka-AGRI na si Mike Faina sa kanyang pagkakahalal bilang Pangulo ng Kapisanan ng Pantay-Pantay at Karapatan ng Tangos South, Inc. ng Lungsod ng Navotas.
Nawa’y magsilbi ang iyong pamumuno bilang inspirasyon at lakas para sa ating mga kapatid na mangingisda ng Navotas, at patuloy na maging boses ng pagkakapantay-pantay, karapatan, at kaunlaran ng komunidad.
Buong suporta kami sa inyong hangarin na itaguyod ang kapakanan at kabuhayan ng ating mga mangingisda.
Muli, pagbati at mabuhay ang mga mangingisdang Pilipino!
25/02/2026
Pahayag ng AGRI Partylist sa ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution
Nakikiisa ang AGRI Partylist sa paggunita ngayong araw ng ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution
Ang araw na ito ay hindi lamang pag-alala sa pagpapatalsik sa diktadura. Ito rin ay paalala ng mga repormang ipinaglaban ng taumbayan upang maitayo ang isang malaya, makatarungan, at demokratikong bansa.
Ngunit malinaw: hindi pa tapos ang laban ng EDSA. Ang diwa nito ay patuloy na sinusubok—lalo na sa harap ng korapsyon, pamamayani ng iilang pamilya sa pulitika, at sistemang patuloy na iniiwan sa laylayan ang mga magsasaka at mangingisda.
Kaugnay nito, mariing nananawagan ang AGRI Partylist:
Panagutin ang mga sangkot sa patuloy na nakawan sa kaban ng bayan. Panahon na upang panagutin ang mga korap na nagpapahirap sa sambayanang Pilipino—lalo na sa ating mga magsasaka at mangingisda.
Ipasa ang Anti-Dynasty Bill. Hindi magiging ganap ang demokrasya kung iilan lamang ang may hawak ng kapangyarihan. Kailangang buksan ang pulitika na hindi lamang nakaangkla sa iilang pamilya o pangalan.
Isabatas ang Partylist Reform Act. Ibalik ang tunay na diwa ng partylist system—ang magbigay ng makabuluhang representasyon sa mga sektor na matagal nang napag-iiwanan.
Ang kuwento ng EDSA ay kuwento ng pagbabalik ng kapangyarihan sa taumbayan.
Panahon na upang tiyakin na ang kapangyarihang ito ay hindi na muling maagaw—kundi patuloy na mapalakas, mapangalagaan, at maipamana sa susunod na henerasyon.
Hindi lamang kasaysayan ang EDSA. Ito ay isang responsibilidad na dapat nating ipagpatuloy.
31/12/2025
Masaganang Bagong Taon, mga ka-AGRI! ✨
Nawa’y maging puno ng ani, pag-asa, at tagumpay ang bagong taon para sa ating mga magsasaka at sa bawat Pamilyang Pilipino. 🌾
Click here to claim your Sponsored Listing.
Category
Website
Address
Navotas