BicoldotPH

BicoldotPH

Share

02/06/2026

Digital learning platform, inilunsad ng DOST; pilot testing sisimulan sa Naga at Sorsogon

Isang digital learning platform na layong makatulong sa mga g**o at mag-aaral ang inilunsad ng Department of Science and Technology (DOST) sa Bicol sa pamamagitan ng DREAM BICOL e-TURO Digital Learning System.

Ang DREAM BICOL ay nangangahulugang Driving Results in Education Through Advanced Mechanisms, habang ang e-TURO ay isang learning management system (LMS) na idinisenyo upang suportahan ang pagtuturo at pagkatuto gamit ang teknolohiya.

Isa sa mga bumuo ng sistema ay si Ryan Louie Rivera sa suporta ng DOST-Advanced Science and Technology Institute.

Sa kasalukuyan, nasa pilot testing pa lamang ang proyekto upang masukat ang kahandaan ng mga mag-aaral sa paggamit ng digital learning tools. Kabilang sa mga lugar na nakatakdang magsagawa ng pilot implementation ngayong Hunyo ang Naga City at Sorsogon City.

Ayon sa DOST, layunin ng e-TURO na mapagaan ang ilan sa mga gawaing administratibo ng mga g**o, kabilang ang paghahanda ng lesson plans at iba pang learning materials, upang mas mabigyan nila ng panahon ang aktuwal na pagtuturo at paggabay sa mga mag-aaral.

Libre rin itong magagamit ng mga paaralan at estudyante dahil pinopondohan ng pamahalaan sa pamamagitan ng DOST.

Kasabay ng paglulunsad nito, umaasa ang ahensya na makatutulong ang sistema sa pagpapalawak ng paggamit ng digital technology sa mga silid-aralan. Gayunman, nananatiling hamon sa maraming paaralan sa Bicol ang limitadong internet connectivity at kakulangan sa digital devices, lalo na sa mga liblib na komunidad.

Bagamat para sa mga mag-aaral sa elementarya pa lamang nakatuon ang pilot phase, sinabi ng DOST na maaari itong palawakin sa antas ng high school at kolehiyo sa mga susunod na taon depende sa resulta ng implementasyon.

Sa mga susunod na buwan, inaasahang masusukat sa pilot testing kung gaano kahanda ang mga paaralan, g**o at mag-aaral sa paggamit ng naturang sistema at kung paano nito matutugunan ang mga hamon sa digital learning sa rehiyon.| Jay-ar Perez

02/06/2026

Pondo ng Tabak Festival binawasan upang bigyang-priyoridad ang iba pang programa

Binawasan ng pamahalaang lungsod ng Tabaco ang badyet para sa Tabak Festival ngayong taon mula P18 milyon tungong P5 milyong piso.

Ang Tabak Festival, na ginaganap tuwing Hunyo 15 hanggang 24 bilang paggunita sa pagkakatatag ng Tabaco City at Kapistahan ni San Juan Bautista, ay kilala sa mga gawaing pangkultura, community activities, at street dancing competition.

Ayon kay City Tourism Office head Eric Valeriano, isa sa mga ikinonsidera ng lungsod ang mga umiiral na hamon sa ekonomiya, kabilang ang posibleng epekto ng tensyon sa Gitnang Silangan sa presyo ng langis at iba pang pangunahing bilihin.

“Napagpasyahan naming gawing mas simple ang pagdiriwang kumpara sa mga nakaraang taon. Magpo-focus na lang tayo sa mamamayan ng Tabaco City, ang aming mga tradisyon, at ang ating pananampalataya,” ani Valeriano.

Sa kabila nito, magpapatuloy pa rin ang mga aktibidad sa San Miguel Island, poblacion, at mga upland na barangay. Aniya, ang natitirang pondo mula sa orihinal na badyet ay ilalaan sa iba pang programang makikinabang ang mga Tabaqueño.

Kinumpirma rin ni CDRRMO head Gelacio Molato Jr. na nagkasundo ang mga opisyal ng lungsod na ilaan ang matitipid na pondo sa mga programang makatutulong sa mga residente.

“Pinagsama-sama at inayos lamang ang mga aktibidad. Inalis namin ang paglahok ng mga celebrity performer dahil nangangailangan ito ng malaking pondo. Hindi nagbago ang konsepto ng festival, ngunit ipatutupad ito sa mas matipid na paraan,” ani Molato.

Sa kabila ng mas mababang badyet, tiniyak ng mga opisyal na mananatili ang diwa ng Tabak Festival sa pamamagitan ng mga gawaing pangkultura at pakikilahok ng komunidad. | Hannah Boragay

01/06/2026

PANOORIN: Dumaloy ang tubig-ulan mula sa hagdan pababa hanggang sa pasilyo ng Bolo National High School sa Brgy. Bolo, Masbate City matapos ang pag-ulan bandang alas-4 ng hapon ngayong Hunyo 1, unang araw ng Brigada Eskwela.

Ayon sa paaralan, ang tubig ay nagmula sa bahagi ng school building na hanggang ngayon ay wala pa ring bubong matapos itong masira ng bagyong Opong noong nakaraang taon.

Sa panawagan na inilathala sa kanilang opisyal na social media page, ibinahagi ng paaralan ang kanilang pangamba habang papalapit ang pagbubukas ng klase at muling haharap sa ganitong sitwasyon tuwing tag-ulan.

Anila, hindi sapat ang ipinapakitang katatagan ng mga g**o, mag-aaral, at mga magulang na patuloy na nagsisikap sa kabila ng mga pinsalang iniwan ng bagyo. Hanggang ngayon, naghihintay pa rin sila ng tulong at agarang aksyon para sa rehabilitasyon ng kanilang mga pasilidad.

Nanawagan din ang paaralan sa mga may kakayahang tumulong na magbigay ng suporta upang matiyak na walang paaralang maiiwan at walang pangarap na mawawala dahil sa mga pagsubok na kanilang kinakaharap.| Jonathan Morano

Video courtesy: Bolo National High School

01/06/2026

Niyanig ng magnitude 4.6 na lindol ang bayan ng Palanas, Masbate alas 6:43 ngayong gabi, June 1, ayon sa PHIVOLCS.

Naitala ang epicenter sa layong 2 kilometro hilagang-silangan ng Palanas, Masbate, na may lalim na 10 kilometro.

Naramdaman ang Intensity III sa Cataingan, habang Intensity II naman sa Monreal at Milagros. Naramdaman din ang pagyanig sa ilang bahagi ng Masbate, Biliran, Northern Samar, at Sorsogon.

Wala namang inaasahang pinsala mula sa lindol ngunit posible ang mga aftershocks.

01/06/2026

Mangingisda, natagpuang patay sa Pandan, Catanduanes

Isang 25-anyos na mangingisda ang natagpuang patay sa isang madamong bahagi malapit sa Balognonan Elementary School sa Sitio Carabao, Barangay Balognonan, Pandan, Catanduanes noong umaga ng Mayo 31.

Kinilala ng pulisya ang biktima bilang residente ng Barangay Lumabao, Pandan.

Ayon sa ulat ng Pandan Municipal Police Station (MPS), dakong alas-8:05 ng umaga nang makatanggap sila ng impormasyon mula sa isang concerned citizen tungkol sa pagkakatagpo sa bangkay ng isang lalaki sa naturang lugar.

Agad namang rumesponde ang mga awtoridad sa pangunguna ni PCPT Renee R. Albao kasama ang duty investigator upang magsagawa ng imbestigasyon.

Sa paunang imbestigasyon, napag-alamang dumalo ang biktima sa isang benefit dance kaugnay ng katatapos na pagdiriwang ng Santa Cruzan sa Barangay Balognonan.

Nakipag-inuman umano siya sa iba pang dumalo mula alas-5:00 ng hapon ng Mayo 30 hanggang alas-2:30 ng madaling-araw kinabukasan.

Batay sa mga nakalap na testimonya, umalis ang biktima sa lugar ng kasiyahan dakong alas-3:00 ng madaling-araw. Makalipas ang ilang oras, natagpuan na lamang siyang wala nang buhay malapit sa paaralan.

Sa isinagawang crime scene processing ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng Provincial Forensic Unit, natuklasang nagtamo ang biktima ng maraming saksak sa iba't ibang bahagi ng katawan at may malalim ding sugat sa leeg.

Dinala ang bangkay sa Pandan District Hospital sa Barangay Libod para sa post-mortem examination matapos ang pagsusuri sa pinangyarihan ng insidente.

Samantala, naibalik na sa pamilya ng biktima ang mga personal na gamit na narekober sa crime scene.

Patuloy ang masusing imbestigasyon ng Pandan MPS upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek o mga suspek at mabatid ang motibo sa krimen. Sa kasalukuyan, wala pang naaresto kaugnay ng insidente.| Rey Boton

Want your business to be the top-listed Media Company in Legazpi?
Click here to claim your Sponsored Listing.

Telephone

Address


Legazpi
4400