Ang Tagamasid

Ang Tagamasid

Share

Photos from Ang Tagamasid's post 02/05/2026

MGA LARAWAN | Sa nagngangalit na lansangan ng Mayo Uno, nakipagtagpo ang sigaw ng kabataan at ang dagundong ng uring manggagawa, isang nag-aalab na tipon laban sa sistemang patuloy na kumakadena sa sambayanan. Mataas na pinupugayan ang bawat manggagawa at mamamayan mula sa iba't ibang kritikal na sektor na lumabas sa lansangan. Sila ang tunay na pulso ng rebolusyonaryong pagbabago.

Hindi na sapat ang mumo. Igiit ang sahod na tunay na nakabubuhay! Sa gitna ng walang habas na pagsirit ng presyo ng langis at mga batayang bilihin, lalong lumilitaw ang kabulukan ng isang sistemang kumikitil sa dignidad ng paggawa. Mariing ipinapanawagan ng hanay ang pagwawakas sa kontraktuwalisasyon, ang modernong anyo ng pagkaalipin at ang pagsusulong ng makabayang, militante, at mapagpalayang pag-uunyon ng mga manggagawa.

Hindi magkahiwalay ang laban ng kabataan at manggagawa, iisa ang kaaway, iisa ang laban. Tayo’y parehong dinudurog ng bulok at mapaniil na kaayusang pinaghaharian ng imperyalismo at pinagtitibay ng papet na rehimeng US-Marcos. Mula sa barat na sahod hanggang sa komersyalisadong edukasyon, malinaw ang mukha ng pagsasamantala: ang iilan ay nagpapakasasa sa yaman habang ang nakararami ay inilulublob sa kahirapan. Ang manggagawa ang lumilikha ng yaman, ngunit siya ang ninanakawan. Ang kabataan ang sinasabing pag-asa ng bayan, ngunit siya rin ang kinukubabawan ng isang hinuhuthot na kinabukasan.

Sa lumalalang krisis na pinalala ng agresyong militar at ekonomikong panghihimasok ng Estados Unidos, lalong ipinapasa sa balikat ng mamamayan ang bigat ng pandaigdigang kaguluhan. Hindi ito hiwalay na usapin, ito’y digma ng kapangyarihan na ang pangunahing biktima ay ang masang anakpawis. Kaya’t higit kailanman, kinakailangan ang mas matibay na pagkakaisa ng kabataan at manggagawa upang ibagsak ang imperyalismong nagpapahirap sa sambayanan.

Mga iskolar ng bayan, huwag maging kuntento sa silid-aralan. Lumabas, makibaka, at makipamuhay sa hanay ng masa. Tulad nina Alyssa, Maureen, Errol, RJ, at Kai, tahakin ang landas ng pakikiisa at paglilingkod. Sa kanilang yapak, mabubuo ang mas malalim na pag-unawa at sa pag-unawang ito, sisibol ang tunay na pagbabago.

Kuha ni Patch
Sulat ni Greggy

Want your business to be the top-listed Media Company in Ermita?
Click here to claim your Sponsored Listing.

Category

Address


College Of Arts And Sciences, UP Manila
Ermita