PSALM MAE

PSALM MAE

Share

30/08/2022

https://m.facebook.com/story.php?story_fbid=445267837604786&id=100063647203179

HUNYO 27 - AKLAT NG MGA AWIT O MGA SALMO 21 - 25

(Basahin natin ang buong Bibliya sa loob ng ISANG TAON. Italaga natin ang sarili sa pagbabasa ng tatlo o higit na kabanata kada araw. Sa ngayon natapos na nating basahin ang apat na EBANGHELYO, ang unang limang aklat ng Bibliya na tinatawag na PENTATEUCHO at labing-apat na aklat ng KASAYSAYAN. Kasalukyan nating binabasa ang mga aklat ng KARUNUNGAN. Tapos na tayo sa aklat ni JOB. Binabasa natin ngayon ang aklat ng MGA AWIT o MGA SALMO.

PANIMULANG PANALANGIN:
Halina, Espiritu Santo, turuan mo akong manalangin. Gabayan at kasihan mo ako upang maunawaan ko ang iyong salita. Amen.

SALMO 21

Pagpupuri sa Pagtatagumpay

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

1Natutuwa ang hari, Yahweh, dahil sa bigay mong lakas,

dahil sa iyong tulong siya ay nagagalak.

2Iyong ibinigay ang kanyang inaasam,

ipinagkaloob mo ang kanyang kahilingan. (Selah)

3Nilapitan mo siya't lubos na binasbasan,

dalisay na gintong korona, sa ulo niya'y inilagay.

4Humiling siya ng buhay at iyong ibinigay,

ng mahabang buhay, na magpakailanman.

5Dahil sa tulong mo, dakila ang kanyang karangalan,

dangal at kadakilaan sa kanya'y iyong ibinigay.

6Pagpapala mo'y nasa kanya magpakailanman,

ang iyong patnubay, dulot sa kanya'y kagalakan.

7Sa Kataas-taasang Diyos ang hari ay nagtitiwala,

dahil sa tapat na pag-ibig ni Yahweh, di siya nababahala.

8Dadakpin ng hari ang lahat niyang mga kaaway,

bibihagin niya ang bawat isa na sa kanya'y nasusuklam.

9Sa kanyang pagdating, sa apoy sila'y susunugin,

sa galit ni Yahweh, sa apoy sila'y tutupukin.

10Walang matitira sa kanilang lahi,

sapagkat sila'y lilipulin ng hari.

11Sa masasamang balak nilang gawin laban sa kanya,

walang anumang magtatagumpay sa mga plano nila.

12Sila'y kanyang papanain,

sila'y uurong at patatakbuhin.

13Pinupuri ka namin, Yahweh, sa taglay mong kalakasan!

Aawit kami at magpupuri dahil sa iyong kapangyarihan.

SALMO 22

Panambitan at Awit ng Papuri

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Isang Usa sa Bukang-Liwayway”.

1O Diyos ko! Diyos ko! Bakit mo ako pinabayaan?

Sumisigaw ako ng saklolo, ngunit bakit di mo ako tinutulungan?

2Araw-gabi'y tumatawag ako sa iyo, O Diyos,

di ako mapanatag, di ka man lang sumasagot.

3Ngunit ikaw ang Banal na pinaparangalan,

at sa Israel ikaw ay pinapupurihan.

4Ang mga ninuno nami'y nagtiwala sa iyo,

sa iyo umasa kaya sila'y iniligtas mo.

5Tumawag sila sa iyo at sa panganib ay nakawala,

nagtiwala sila sa iyo at di naman sila napahiya.

6Ngunit ako'y parang uod at hindi na isang tao,

hinahamak at pinagtatawanan ng kahit na sino!

7Pinagtatawanan ako ng bawat makakita sa akin,

inilalabas ang kanilang dila at sila'y pailing-iling.

8Sabi nila, “Nagtiwala siya kay Yahweh; hayaang iligtas siya nito.

Kung talagang mahal siya nito,

darating ang kanyang saklolo!”

9Noong ako ay iluwal, ikaw, O Diyos, ang patnubay,

magmula sa pagkabata, ako'y iyong iningatan.

10Mula nang ako'y isilang, sa iyo na umaasa,

mula nang ipanganak, ikaw lang ang Diyos na kilala.

11Huwag mo akong lilisanin, huwag mo akong iiwanan,

pagkat walang sasaklolo sa papalapit na kapahamakan.

12Akala mo'y mga toro, ang nakapaligid na kalaban,

mababangis na hayop na galing pa sa Bashan.

13Bibig nila'y nakabuka, parang mga leong gutom,

umuungal at sa aki'y nakahandang lumamon.

14Parang natapong tubig, nawalan ako ng lakas,

ang mga buto ko'y parang nagkalinsad-linsad;

pinagharian ang dibdib ko ng matinding takot,

parang kandila ang puso ko, natutunaw, nauubos!

15Itong aking lalamuna'y tuyong abo ang kagaya,

ang dila ko'y dumidikit sa aking ngalangala,

sa alabok, iniwan mo ako na halos patay na.

16Isang pangkat ng salarin, sa aki'y nakapaligid,

para akong nasa gitna ng mga asong ganid;

mga kamay at paa ko'y kanilang pinupunit.

17Kitang-kita ang lahat ng aking mga buto,

tinitingnan at nilalait ng mga kaaway ko.

18Mga damit ko'y kanilang pinagsugalan,

at mga saplot ko'y pinaghati-hatian.

19O Yahweh, huwag mo sana akong layuan!

Ako ay tulungan at agad na saklolohan!

20Iligtas mo ako sa talim ng tabak,

at sa mga asong sa aki'y gustong kumagat.

21Sa bibig ng mga leon ako'y iyong hanguin,

sa sungay ng mga toro ako ay iyong sagipin.

O Yahweh, panalangin ko sana'y dinggin.

22Mga ginawa mo'y ihahayag ko sa aking mga kababayan,

sa gitna ng kapulungan ika'y papupurihan.

23Kayong lingkod ni Yahweh, siya'y inyong purihin!

Kayong lahi ni Jacob, siya'y inyong dakilain,

bayan ng Israel, luwalhatiin siya't sambahin!

24Mga dukha'y di niya pinababayaan at hinahamak,

hindi siya umiiwas sa humihingi ng paglingap;

sinasagot niya agad ang mga kapus-palad.

25Ginawa mo'y pupurihin sa dakilang kapulungan,

sa harap ng masunurin, mga lingkod mong hinirang,

ang panata kong handog ay doon ko iaalay.

26Ang naghihikahos ay sasagana sa pagkain,

mga lumalapit kay Yahweh, siya'y pupurihin.

Maging sagana nawa sila at laging pagpalain!

27Mga bansa sa lupa'y kay Yahweh magsisibaling,

lahat ng mga lahi'y maaalala siya't sasambahin.

28Kay Yahweh nauukol ang pamamahala,

naghahari siya sa lahat ng mga bansa.

29Magsisiluhod lahat ang palalo't mayayabang,

yuyuko sa harap niya, mga taong hahatulan.

30Mga susunod na salinlahi'y maglilingkod sa kanya,

ang tungkol sa Panginoon ay ipahahayag nila.

31Maging ang mga di pa isinisilang ay babalitaan,

“Iniligtas ni Yahweh ang kanyang bayan.”

SALMO 23

Si Yahweh ang Ating Pastol

Awit ni David.

1Si Yahweh ang aking pastol, hindi ako magkukulang;

2pinapahimlay niya ako sa luntiang pastulan,

at inaakay niya sa tahimik na batisan.

3Pinapanumbalik ang aking kalakasan,

at pinapatnubayan niya sa tamang daan,

upang aking parangalan ang kanyang pangalan.

4Dumaan man ako sa madilim na libis ng kamatayan,

wala akong katatakutan, pagkat ika'y aking kaagapay.

Ang tungkod mo at pamalo, aking gabay at sanggalang.

5Ipinaghahanda mo ako ng salu-salo,

na nakikita pa nitong mga kalaban ko;

sa aking ulo langis ay ibinubuhos,

sa aking saro, pagpapala'y lubus-lubos.

6Kabutiha't pag-ibig mo sa aki'y di magkukulang, siyang makakasama ko habang ako'y nabubuhay;

at magpakailanma'y sa bahay ni Yahweh mananahan.

SALMO 24

Ang Dakilang Hari

Awit ni David.

1Ang buong daigdig at ang lahat ng naroon,

ang may-ari'y si Yahweh na ating Panginoon.

2Itinayo niya ang daigdig sa ibabaw ng karagatan,

inilagay ang pundasyon sa mga tubig sa kalaliman.

3Sa burol ni Yahweh, sinong nararapat umahon?

Sa banal niyang Templo, sinong dapat pumaroon?

4Ang taong malinis ang buhay pati ang isipan,

hindi sumasamba sa mga diyus-diyosan;

at hindi sumusumpa ng kasinungalingan.

5Bibigyan siya ni Yahweh ng pagpapala't kaligtasan,

ipahahayag siya ng Diyos na walang kasalanan.

6Ganoon ang mga taong lumalapit sa Diyos,

silang dumudulog sa Diyos ni Jacob. (Selah)

7Buksan n'yong mabuti ang mga tarangkahan,

buksan ninyo pati mga lumang pintuan,

at ang dakilang hari'y papasok at daraan.

8Sino ba itong dakilang hari?

Siya si Yahweh na malakas at makapangyarihan,

si Yahweh, matagumpay sa labanan.

9Buksan n'yong mabuti ang mga tarangkahan,

buksan ninyo pati mga lumang pintuan,

at ang dakilang hari'y papasok at daraan.

10Sino ba itong dakilang hari?

Ang makapangyarihang si Yahweh, siya ang dakilang hari! (Selah)

SALMO 25

Panalangin Upang Patnubayan at Ingatan

Katha ni David.

1Sa iyo, Yahweh, dalangin ko'y ipinapaabot;

2sa iyo, O Diyos, ako'y tiwalang lubos.

Huwag hayaang malagay ako sa kahihiyan,

at pagtawanan ako ng aking mga kaaway!

3Mga may tiwala sa iyo'y huwag malagay sa kahihiyan,

at ang mga taksil sa iyo'y magdanas ng kasawian.

4Ituro mo sa akin, Yahweh, ang iyong kalooban,

at ang iyong landas, sa akin ay ipaalam.

5Turuan mo akong mamuhay ayon sa katotohanan,

sapagkat ikaw ang Diyos ng aking kaligtasan;

sa buong maghapo'y ikaw ang inaasahan.

6Alalahanin mo, Yahweh, ang pag-ibig mong wagas,

na ipinakita mo na noong panahong lumipas.

7Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, sa mga kamalian ko noong aking kabataan;

ayon sa pag-ibig mong walang katapusan,

ako sana, Yahweh, ay huwag kalimutan!

8Si Yahweh ay mabuti at siya'y makatarungan,

itinuturo niya sa makasalanan ang tamang daan.

9Sa mapagpakumbaba siya ang gumagabay,

sa kanyang kalooban kanyang inaakay.

10Tapat ang pag-ibig, siya ang patnubay,

sa lahat ng mga taong sumusunod, sa utos at tipan siya'ng sumusubaybay.

11Ang iyong pangako, Yahweh, sana'y tuparin,

ang marami kong sala'y iyong patawarin.

12Ang taong kay Yahweh ay gumagalang,

matututo ng landas na dapat niyang lakaran.

13Ang buhay nila'y palaging sasagana,

mga anak nila'y magmamana sa lupa.

14Sa mga masunurin, si Yahweh'y isang kaibigan,

ipinapaunawa niya sa kanila, kanyang kasunduan.

15Si Yahweh lang ang laging inaasahan,

na magliligtas sa akin sa kapahamakan.

16Lingapin mo ako, at ako'y kahabagan,

pagkat nangungulila at nanlulupaypay.

17Pagaanin mo ang aking mga pasanin,

mga gulo sa buhay ko'y iyong payapain.

18Alalahanin mo ang hirap ko at suliranin,

at lahat ng sala ko ay iyong patawarin.

19Tingnan mo't napakarami ng aking kaaway,

at labis nila akong kinamumuhian!

20Ipagtanggol mo ako't iligtas ang aking buhay,

huwag tulutang ako'y malagay sa kahihiyan,

pagkat kaligtasan ko'y sa iyo nakasalalay.

21Iligtas nawa ako ng kabutihan ko't katapatan,

sapagkat ikaw ang aking pinagtitiwalaan.

22Hanguin mo, O Diyos, ang bayang Israel,

sa kanilang kaguluhan at mga suliranin!

PANGWAKAS NA PANALANGIN:
Salamat, Ama, sa iyong Salita. Ang Salita mo ay pagkain ng aking kaluluwa. Ang Salita mong natanggap ko ngayon ay baguhin nawa ang puso ko upang ako'y maging kawangis mo sa pagmamahal sa ngalan ni Hesus. Amen.

I-TYPE ANG 'AMEN' SA COMMENT SECTION MATAPOS BASAHIN ANG MGA KABANATA SA ARAW NA ITO PARA MAGBIGAY INSPIRASYON SA MARAMI NA MAGBASA DIN.

27/08/2022

AKLAT NG MGA AWIT O MGA SALMO 11 - 15

(Basahin natin ang buong Bibliya sa loob ng ISANG TAON. Italaga natin ang sarili sa pagbabasa ng tatlo o higit na kabanata kada araw. Sa ngayon natapos na nating basahin ang apat na EBANGHELYO, ang unang limang aklat ng Bibliya na tinatawag na PENTATEUCHO at labing-apat na aklat ng KASAYSAYAN. Kasalukyan nating binabasa ang mga aklat ng KARUNUNGAN. Tapos na tayo sa aklat ni JOB. Binabasa natin ngayon ang aklat ng MGA AWIT o MGA SALMO.

PANIMULANG PANALANGIN:
Halina, Espiritu Santo, turuan mo akong manalangin. Gabayan at kasihan mo ako upang maunawaan ko ang iyong salita. Amen.

SALMO 11

Pagtitiwala kay Yahweh

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

1Kay Yahweh ko isinalig ang aking kaligtasan,

kaya't ang ganito'y huwag sabihin ninuman:

“Lumipad kang tulad ng ibon patungo sa kabundukan,

2sapagkat ang pana ng masasama ay laging nakaumang,

upang tudlain ang taong matuwid mula sa kadiliman.

3Ang mabuting tao'y mayroon bang magagawa,

kapag ang mga pundasyon ng buhay ay nasira?”

4Si Yahweh ay naroon sa kanyang banal na Templo,

doon sa kalangitan, nakaupo sa kanyang trono,

at buhat doo'y pinagmamasdan ang lahat ng tao,

walang maitatagong anuman sa gawa ng mga ito.

5Ang mabuti at masama ay kanyang sinusuri;

sa taong suwail siya'y lubos na namumuhi.

6Pinauulanan niya ng apoy at asupre ang masasamang tao;

at sa mainit na hangin sila'y kanyang pinapaso.

7Si Yahweh ay matuwid at sa gawang mabuti'y nalulugod;

sa piling niya'y mabubuhay ang sa kanya'y sumusunod.

SALMO 12

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng Sheminit.

1O Yahweh, kami sana'y iligtas mo! Pagkat wala na ngayong mabuting tao,

wala nang taong tapat at totoo.

2Nagsisinungaling silang lahat sa isa't isa,

nagkukunwari at nagdadayaan sila.

3Patigilin mo, Yahweh, ang madaldal na dila,

at sarhan ang bibig ng hambog magsalita;

4silang laging nagsasabi,

“Kami'y magsasalita ng nais namin;

at sa gusto nami'y walang makakapigil!”

5“Darating na ako,” sabi ni Yahweh,

“Upang saklolohan ang mga inaapi.

Sa pinag-uusig na walang magkupkop,

hangad nilang tulong ay ipagkakaloob!”

6Ang mga pangako ni Yahweh ay maaasahan,

ang katulad nila'y pilak na lantay;

tinunaw sa hurnong hinukay, pitong beses na pinadalisay.

7Kami, Yahweh, ay lagi mong ingatan,

sa ganitong mga tao ay huwag pabayaan;

8Ang masasamang tao'y nasa lahat ng lugar,

ang mga gawang liko ay ikinararangal!

SALMO 13

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

1Hanggang kailan, Yahweh, ako'y iyong lilimutin?

Gaano katagal kang magtatago sa akin?

2Gaano katagal pa itong hapdi ng damdamin

at ang lungkot sa puso kong gabi't araw titiisin?

Kaaway ko'y hanggang kailan magwawagi sa akin?

3Yahweh, aking Diyos, tingnan mo ako at sagutin,

huwag hayaang mamatay, lakas ko'y panumbalikin.

4Baka sabihin ng kaaway ko na ako'y kanilang natalo,

at sila'y magyabang dahil sa pagbagsak ko.

5Nananalig ako sa pag-ibig mong wagas,

magagalak ako dahil ako'y ililigtas.

6O Yahweh, ika'y aking aawitan,

dahil sa iyong masaganang kabutihan.

SALMO 14

Ang Kasamaan ng Tao

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

1“Wala namang Diyos!” ang sabi ng hangal sa kanyang sarili.

Silang lahat ay masasama, kakila-kilabot ang kanilang mga gawa;

walang gumagawa ng mabuti, wala nga, wala!

2Nagmamasid si Yahweh mula sa itaas, sangkatauha'y kanyang sinisiyasat;

tinitingnan kung may taong marunong pa,

na sa kanya'y gumagalang at sumasamba.

3Silang lahat ay naligaw ng landas,

at naging masasama silang lahat;

walang gumagawa sa kanila ng tama,

wala ni isa man, wala nga, wala!

4Ang tanong ni Yahweh: “Di ba nila alam,

itong masasama, lahat na ba'y mangmang?

Itong aking baya'y pinagnanakawan

at akong si Yahweh ay ayaw dalanginan!”

5Darating ang araw na sila'y matatakot, sapagkat kakampi ng Diyos ang mga sa kanya'y sumusunod.

6Hadlangan man nila ang balak ng mga taong hamak,

ngunit si Yahweh ang sa kanila'y mag-iingat.

7Ang aking hinihiling nawa ay dumating,

mula sa Zion, ang kaligtasan ng Israel.

Labis na magagalak ang bayang Israel,

kapag muli silang pasaganain ni Yahweh.

SALMO 15

Ang Hinihiling ng Diyos

Awit ni David.

1O Yahweh, sino kayang makakapasok sa iyong Templo?

Sinong karapat-dapat sumamba sa iyong burol na sagrado?

2Ang taong masunurin sa iyo sa lahat ng bagay,

at laging gumagawa ayon sa katuwiran,

mga salita'y bukal sa loob at pawang katotohanan,

3at ang kapwa'y hindi niya sisiraan.

Di siya gumagawa ng masama sa kanyang kaibigan,

tungkol sa kapwa'y di nagkakalat ng kasinungalingan.

4Ang itinakwil ng Diyos ay di niya pinapakisamahan,

mga may takot kay Yahweh, kanyang pinaparangalan.

Sa pangakong binitiwan, siya'y laging tapat,

anuman ang mangyari, salita'y tinutupad.

5Hindi nagpapatubo sa kanyang mga pinautang,

di nasusuhulan para ipahamak ang walang kasalanan.

Ang ganitong tao'y di matitinag kailanman.

PANGWAKAS NA PANALANGIN:
Salamat, Ama, sa iyong Salita. Ang Salita mo ay pagkain ng aking kaluluwa. Ang Salita mong natanggap ko ngayon ay baguhin nawa ang puso ko upang ako'y maging kawangis mo sa pagmamahal sa ngalan ni Hesus. Amen.

I-TYPE ANG 'AMEN' SA COMMENT SECTION MATAPOS BASAHIN ANG MGA KABANATA SA ARAW NA ITO PARA MAGBIGAY INSPIRASYON SA MARAMI NA MAGBASA DIN.

Want your place of worship to be the top-listed Place Of Worship in Cainta?
Click here to claim your Sponsored Listing.

Website

Address


Cainta Rizal
Cainta