Ang Sigya

Ang Sigya

Share

Photos from Ang Sigya's post 01/05/2026

Mabuhay ang lahat ng uring manggagawang Pilipino—ang mga araw-araw na nakikidigma sa sistema.

Nawa’y matupad ang inyong mga pangarap sa kabila ng nakakapagod na takbo ng ating lipunan. Patuloy nawa kayong umusad kahit may mga puwersang humihila pabalik. Maniwala pa rin na may magandang darating na kapalit ng bawat sakripisyo.

Patuloy na paalabin ang pag-asa. At kung kinakailangan, tumindig.

Saludo kami sa inyong hindi matatawarang dedikasyon.

Pubmat ni NJ Roxas
Mga larawan ni Anya Louise Teves

Photos from Ang Sigya's post 30/04/2026

BALITA | P200 water rate, kinondena ng mga konsesyonaryo sa Baras; panawagan: palitan ang pamunuan ng BWAD

Nagtipon-tipon ngayong araw ang mga konsesyonaryo ng Baras Water District (BWAD) mula sa iba’t ibang barangay sa bayan ng Baras, Catanduanes para magsagawa ng kilos-protesta laban sa umano’y biglaang pagtaas ng singil sa tubig, mga isyu sa serbisyo, at panawagang palitan ang pamunuan ng ahensya.

Bitbit ang mga plakard at sigaw ng pagtutol, iginiit ng mga raliyista ang kanilang pagkondena sa pagtaas ng minimum na singil sa tubig mula ₱40 patungong ₱200. Para sa kanila, ito ay labis na pabigat sa mga konsesyonaryo, lalo na’t kasabay nito ang mga reklamo sa kalidad at daloy ng serbisyo.

Ilan pa sa kanilang mga hinaing ang madalas na paglabas ng maruming tubig sa gripo, hindi regular na suplay ng tubig, at umano’y kakulangan ng malinaw na komunikasyon ng BWAD sa publiko. Kwestiyon din sa kanila ang pagputol ng suplay sa mga hindi agad nakabayad sa gitna ng biglaang taas-singil, pati na ang pagkuha umano ng metro ng tubig kahit ito ay nabayaran na.

Dagdag pa sa kanilang panawagan, iginiit din ng ilang konsesyonaryo ang pagpapalit ng kasalukuyang pamunuan ng BWAD, kasabay ng hiling para sa mas malinaw, accountable, at maayos na pamamahala sa serbisyo ng tubig sa bayan.

Ayon sa mga Barasnon, ito ang kauna-unahang malaking rally na isinagawa sa kanilang bayan kaugnay sa isyu ng tubig. Umaasa sila na magsilbi itong hakbang upang marinig ang kanilang mga hinaing at makapagdulot ng konkretong aksyon mula sa mga kinauukulan.

Nagsimula ang kilos-protesta sa harap ng munisipyo at nagtapos sa tanggapan ng BWAD, na sinuportahan din ng ilang miyembro ng Sangguniang Bayan at ng bise-alkalde ng Baras. Dumalo rin ang mga mamamahayag mula sa Catanduanes Tribune at Radyo Natin Virac upang iulat ang kaganapan.

Gayunman, hindi humarap sa mga raliyista ang pamunuan ng BWAD sa oras ng protesta.

Matapos ang pagkilos, pinayagan ang ilang mamamahayag na makapasok sa opisina ng BWAD para sa panayam. Sa hiwalay na pahayag, ipinaliwanag nina General Manager Emily T. Colinares at Board of Directors Vice Chair Arlene Y. Anonuevo ang kanilang panig.

Ayon sa pamunuan, ang pagtaas ng singil sa tubig ay may kaugnayan sa mga obligasyong pinansyal ng water district sa Local Water Utilities Administration (LWUA), kabilang ang umano’y malaking utang na kailangang bayaran sa loob ng mahabang panahon. Giit nila, kinakailangan ang adjustment sa singil upang mapanatili ang operasyon at pondohan ang mga gastusin sa serbisyo.

Nilinaw din ng BWAD na dumaan sa proseso ng konsultasyon at pagsusuri ang implementasyon ng bagong water rate. Dagdag pa nila, bukas sila sa pakikipagdayalogo sa mga konsesyonaryo upang ipaliwanag ang kanilang panig at mga dokumentong kaugnay ng isyu.

Sa ngayon, nananatiling bukas ang usapin sa pagitan ng BWAD at ng mga konsesyonaryo, habang patuloy ang panawagan ng publiko para sa mas abot-kayang singil, maayos na suplay, at pagbabago sa pamamahala ng serbisyo ng tubig sa bayan ng Baras.

Kuhang larawan nina Anya, Melissa at CJ

Photos from Ang Sigya's post 30/04/2026

📢 Isyu sa Baras Water District :

NARITO ANG KOMPLETONG PAHAYAG NG BOARD OF DIRECTOR AT GENERAL MANAGER

_______________________________________________________________

🔹 PAHAYAG NG BOARD OF DIRECTOR VICE CHAIR ARLENE Y. ANONUEVO

📌 Reaksyon sa naganap na rally
⚪Ayon kay Board of Director Vice Chair Arlene Y. Anonuevo, mabuti umano para sa kanila ang isinagawang rally ng mga konsyumer ng BWAD dahil makatutulong ito upang mapabilis ang aksyon ng Local Water Utilities Administration (LWUA).

Dagdag pa niya, wala silang maaaring gawin sa isyung ito hangga’t walang ibinababang direktiba ang LWUA.

📌 Bakit umabot sa ganitong kataas ang presyo ng tubig?
⚪Ayon kay Vice Chair Anonuevo, noong 2009—bago pa sila maging bahagi ng Board of Directors—mayroon nang nakabinbing utang ang BWAD na umabot sa ₱25 milyon.

Sa kasalukuyan, wala pa raw itong kabuuang bayad, ngunit nabawasan na umano ito ng ₱6 milyon, kaya nasa ₱17 milyon na lamang ang kailangang bayaran sa LWUA (may isyung nabanggit ukol sa computation).

Noong March 2026, nagkaroon na umano ng MOA signing sa pagitan ng BWAD at LWUA upang bayaran ang nasabing utang buwan-buwan.

Aniya, ito raw ang hindi nauunawaan ng ilan sa publiko—na may malaking utang ang BWAD sa LWUA at kinakailangang bayaran ito gamit ang koleksyon mula sa mga konsyumer.

Dagdag pa niya, ang ₱25 milyong utang ay ginamit bilang panimulang puhunan upang maitatag ang BWAD, at mahigit 15 taon na itong hindi nababayaran kaya kailangan na itong tugunan.

📌 Nagkaroon ba ng public consultation?
⚪Iginiit ni Dir. Anonuevo na nagkaroon umano ng public consultation kaugnay sa pagpapasa ng ₱17 milyong utang sa pamamagitan ng dagdag-singil sa mga konsyumer.

📌 Hakbang ng BOD sa panawagan na ibaba ang singil
⚪Ayon sa kanya, nagpasa na sila ng resolusyon sa LWUA upang ibaba ang singil sa tubig.

Subalit ito ay hindi inaprubahan, dahil ayon sa LWUA, kinakailangan nang mabayaran ang utang at hindi sasapat ang mas mababang singil para tustusan ang gastusin ng water district.

📌 May palugit ba sa pagbabayad ng utang?
⚪Oo. Ayon kay Anonuevo, binigyan sila ng 25 taon ng LWUA upang mabayaran ang utang batay sa kanilang computation.

Sa kasalukuyan, hindi pa umano ganap na nagsisimula ang pagbabayad dahil hindi pa nalilinaw ang eksaktong buwanang obligasyon.

Gayunpaman, nabanggit niya na sa huling pagpunta nila sa LWUA, tinatayang nasa ₱88,000 kada buwan ang kailangang bayaran.

📌 Mensahe sa mga konsyumer
⚪“Sa mga kababayan ko sa Baras, hindi naman kami galit sa inyong mga hinaing, pero sana ay maintindihan ninyo ang aming panig at ang stand ng BWAD.”

Iginiit din niya na walang korapsyon sa loob ng BWAD.

📌 Bakit hindi dumalo sa forum sa simbahan?
⚪Ayon kay Anonuevo, inaasahan nilang magkakaroon ng maraming kritiko o “magbabato” sa kanila sa naturang forum, kaya hindi sila dumalo.

📌 Bakit hindi humarap sa rally?
⚪Ayon sa kanya, “marami sila at kaunti kami,” kaya hindi nila piniling humarap sa naturang sitwasyon.

Dagdag pa niya, nais din nilang maiparating ang kanilang panig sa ibang paraan.

📌 Tungkol sa pagdalo sa sesyon ng munisipyo
⚪Iginiit niya na hindi totoo na hindi sila dumadalo, dahil nakadalo na umano sila ng tatlong beses sa session ng Sangguniang Bayan.

📌 Tungkol sa planong dialogue
⚪Wala umano silang problema sa planong pagharap sa mga konsyumer kasama ang Sangguniang Bayan, at handa silang dumalo.

📌 Kung magrally muli ang mga tao
⚪“Okay lang kung hindi pa nila maintindihan ang paliwanag namin,” ayon kay Anonuevo.

Hinimok din niya ang mga konsyumer na dumiretso sa opisina ng BWAD kung may reklamo o katanungan, dahil handa umano silang magpaliwanag at magpakita ng mga dokumento anumang oras.

Muli niyang iginiit na wala silang itinatago at sumusunod lamang sila sa direktiba ng LWUA.

📌 Bakit kinukuha ang metro kapag napuputulan?
⚪Ayon sa kanya, ito ay para sa security at safety, upang maiwasan ang ilegal na paggamit.

📌 Nasa LWUA ba ang solusyon?
⚪Oo. Ayon kay Anonuevo, nakadepende sa LWUA ang magiging resolusyon sa isyu.

_________________________________________________________________

🔹 PAHAYAG NG GENERAL MANAGER EMILY T. COLINARES

📌 Basehan ng ₱200 na singil
⚪Kinumpirma ni GM Colinares na may sinusunod silang basehan, kung saan hindi dapat lumagpas sa 5% ng kita ng low-income group ang water rate.

Halimbawa, kung ang kita ay ₱5,000, ang 5% nito ay ₱250—kaya naniniwala siyang hindi lumalagpas ang ₱200 na singil sa limitasyon.

Dagdag pa niya, ang dagdag-singil ay katumbas ng inaasahang maayos na serbisyo ng BWAD.

📌 Tungkol sa kakulangan ng survey
⚪Ayon sa kanya, trabaho ito ng LWUA.

Ang BWAD ay sumusunod lamang sa ibinibigay na evaluation at basehan ng ahensya.

Binanggit din niya na kinuwestiyon niya noon kung maaaring gawing basehan ang datos mula sa Sorsogon, at sinabi ng LWUA na maaari naman.

Dagdag pa, maging ang alkalde ay humiling ng representative mula sa LWUA upang magpaliwanag, ngunit hindi ito natuloy dahil sa travel restrictions at limitadong operasyon.

📌 Kailan nagsimula ang ₱200 rate?
⚪October 2025 – consumption
November 2025 – billing

Nagbigay ng 2 buwang moratorium, ngunit noong January 2026 ay fully implemented na ang penalties at disconnection, alinsunod sa rekomendasyon ng COA.

📌 Sapat ba ang pondo kung walang increase?
⚪Hindi umano.

Ayon kay Colinares, “kapos talaga dahil negative pa nga.”

Binanggit din niya na may rekomendasyon ang COA na ayusin ang utang (tinukoy na ₱11M sa audit) at i-adjust ang water rates upang maiwasan ang pagbagsak ng operasyon.

📌 Bababa pa ba ang singil kapag nabayaran ang utang?
⚪Ayon sa kanya, hindi na bababa ang ₱200 sa loob ng 10 taon batay sa projection ng LWUA, dahil sa dami ng gastusin.

📌 Saan napupunta ang singil?
⚪Sweldo at hiring ng empleyado
Filtration system (₱10M–₱30M)
Expansion at maintenance
Materials para sa bagong koneksyon

📌 Tugon sa “Baras Water Dirty”
⚪Ayon sa kanya, isa sa priority projects ang water filtration system upang mas mapabuti ang kalidad ng tubig

📌 Pwede bang inumin ang tubig?
⚪Oo, ayon sa kanya.

May regular testing mula sa DOH (monthly at yearly) at hindi sila maaaring mag-operate kung hindi ito pasado.

📌 Bakit mas mura sa ibang lugar?
⚪Hindi raw ito maihahambing sa ibang water districts tulad ng Virac dahil:

Mas matagal na silang operational
May mga natanggap na grants
May limitasyon sa pagtaas ng rate

📌 Ilang konsyumer?
⚪May humigit-kumulang 1,500 konsyumer ang BWAD, ngunit nabawasan dahil sa paglipat sa ibang water systems.

📌 Isyu ng misinformation
⚪Ayon kay Colinares, may kumakalat na maling impormasyon at maling computation na nagdudulot ng kalituhan sa publiko.

Binanggit din niya ang impluwensya ng pulitika at interes sa posisyon.

📌 Kalagayan ng mga empleyado
⚪Ayon sa kanya, matagal nang nagsasakripisyo ang mga empleyado ng BWAD at kulang ang benepisyo mula sa ibang ahensya, kaya kinakailangan ang sapat na pondo.

📌 Tungkol sa public hearing
⚪Ayon sa kanya, 52 katao lamang ang dumalo.

Nilinaw niya na hindi nakadepende sa dami ng attendees ang validity nito dahil dumaan ito sa tamang proseso tulad ng publication at coordination sa LGU.

📌 Tungkol sa staggered billing
⚪Ang panukalang staggered implementation ay hindi inaprubahan, dahil maaaring makaapekto ito sa kakayahan ng BWAD na pondohan ang operasyon.

💭 Mahalagang paalala: Ang mga pahayag na ito ay mula sa dinecode na mga pahayag ng dalawang indibidwal mula sa BWAD matapos kaming pahintulutang makapasok sa ahensiya kasama ang mamamahayag mula sa 2 midya sa Catanduanes upang marinig ang kanilang panig. Wala kaming idinagdag na anumang pahayag upang malinaw na maipabatid sa publiko ang kanilang nais ipabatid sa Barasnon dahil sa hindi pagkakaroon ng pormal na pag-uusap ng dalawang panig.



Mga kuhang larawan ni Anya

30/04/2026
Photos from Ang Sigya's post 30/04/2026

Kasalukuyan | Nagsasagawa ngayon ng rally ang mga konsyumer ng Baras Water District (BWAD) sa Bayan ng Baras upang ipaabot ang problemang kinakaharap kaugnay pa rin sa pagtaas ng singil nito sa mga konsyumer sa kabila di umano ng hindi maayos na serbisyo nito.

Matatandaang nagkaroon na ng naunang pagtitipon na pinangunahan ng St. Lawrence Parish kasama ang dalawang abogado, upang ipabatid ang kanilang hinaing. Subalit isang kasapi lang ng Board of Directors ng sangay ang nakarating kung kaya't hindi nasagot ang mga tanong ng mga konsyumer at hindi nabigyan ng maayos na solusyon ang problemang idinudulog.

Ang rally ay magsisimula sa munisipyo ng Baras patungong opisina ng BWAD upang kalampagin ang opisina.

Inaasahan ng mga konsyumer na magkakaroon ng epekto ang ganitong hakbang upang marinig ang patuloy na problema sa tubig ng bayan ng Baras.

Photos from Ang Sigya's post 14/04/2026

Best of luck, LJ at Princess, gayundin sa coach na si Ma’am Venus!

Galingan ninyo—nasa inyo ang buong suporta namin. 💙

Photos from Ang Sigya's post 14/04/2026

Good luck sa inyong laban bukas sa NSPC Princess Mae Tan at Lhian Jade Tesorero!

Buong puso kayong ipinagmamalaki ng publikasyon at paaralan. Isang karangalan ang makarating kayo sa pambansang patimpalak sa pagbabalita at pamamahayag. Ang buong publikasyon ay buong tiwala at suporta ang nais ipabaon sa inyong laban bukas! Ipakita niyo ang alab ng pamamahayag, at puso ng isang kasapi ng Ang Sigya sa pagbabalita sa Ormoc City.

Pinatunayan ninyo na ang galing ng Bicolanong mamamahayag ay tatak-Oragon—matapang, mahusay, at may paninindigan.

Buong suporta at panalangin ang aming ipinapaabot sa inyo.
Hindi lamang pangalan ng ating paaralan ang inyong bitbit, kundi ang dangal at boses ng buong Bicolandia.

🖌️NJ ROXAS
📝 ANYA LOUISE TEVES

Photos from Ang Sigya's post 02/04/2026

Kasama ang panauhing pandangal na si Atty. Philip Frantz T. Guerrero, ipinagdiwang ang ika-9 na Graduation Ceremony ng Baras RDHS bilang pagdiriwang sa tagumpay ng Batch 2025–2026 na pormal nang nagsipagtapos at handa nang tumungo sa susunod na yugto ng kanilang buhay.

Mula sa mga pahina ng kanilang kwento—gamit ang sipag, pakikipagsapalaran, at sakripisyo—narating nila ang sandaling ito na bunga ng kanilang pagsusumikap. Ngayon, dala nila ang aral at karanasan bilang sandata sa panibagong hamon na naghihintay sa kolehiyo at sa hinaharap.

Ang tagumpay na ito ay hindi isang wakas ng kanilang pag-aaral, kundi simula ng mas malawak na paglalakbay.

Pagbati sa lahat ng nagsipagtapos, nawa’y ipagpatuloy ninyo ang pangarap na may tapang at paninindigan.

Mga larawang kuha nina CJ, Anya, Loraine

Para sa iba pang mga larawan, bisitahin ang link sa ibaba:
https://drive.google.com/drive/folders/1z3Yv87lYCvmr8Ko1MXgJG-2zrWnENk_a?usp=drive_link

Photos from Ang Sigya's post 02/04/2026

Tumindig sa kabila ng mga balakid sa buhay—ito ang naging sentral na mensahe ni Engr. Julius B. Agripa, RCE, TPIQS, AssocRICS, Senior Cost Consultant Team Manager, bilang panauhing pandangal sa 11th Moving Up Ceremony ng Baras Rural Development High School noong Marso 30, 2026, na ginanap sa Sen. Sonny S. Angara Covered Court.

Sa kaniyang inspirasyonal na talumpati, binigyang-diin ni Agripa ang kahalagahan ng katatagan at determinasyon sa pagharap sa mga hamon ng buhay, na kaniyang inilarawan sa pamamagitan ng “5’s”—isang balangkas na sumasalamin sa kaniyang personal na paglalakbay mula sa pagiging karaniwang mag-aaral ng Baras RDHS tungo sa kasalukuyang antas ng tagumpay sa larangan ng propesyon.

Ipinunto niya na hindi naging madali ang kaniyang pag-abot sa kasalukuyang posisyon, kaya’t mahalagang malinang ng mga mag-aaral ang kakayahang magpatuloy at magpakatatag sa kabila ng mga pagsubok na maaaring humamon sa kanilang kakayahan at paninindigan sa hinaharap.

Sa pamamagitan ng kaniyang interaktibong presentasyon, isa-isa niyang ipinaliwanag ang “5’s” na bumubuo sa landas tungo sa tagumpay: ang Stellar, na tumutukoy sa makulay at mataas na kalidad ng karanasan sa pag-aaral; ang Shaky, na sumasagisag sa mga panahong puno ng kawalang-katiyakan at pagsubok; ang Seeding, na nangangahulugang patuloy na paglinang, paghahanda, at pagpapalalim ng kakayahan; at ang Shaping Success, na kumakatawan sa tuluy-tuloy na pagsisikap at hindi matatawarang dedikasyon sa pagkamit ng kahusayan.

Sa kabuuan, hinimok ni Agripa ang mga mag-aaral na yakapin ang bawat yugto ng kanilang paglalakbay bilang bahagi ng paghubog ng kanilang kinabukasan, na ang tunay na tagumpay ay hindi nasusukat sa bilis ng pag-abot, kundi sa katatagan at pagpupunyagi sa gitna ng mga hamon.

Mga larawang kuha nina Anya, CJ at Loraine

Para sa iba pang mga larawan, bisitahin lamang ang link sa ibaba:
https://drive.google.com/drive/folders/1LF2DhO71Mt3VOiHf5TDbhSFLmYVv0NqV?usp=drive_link

31/03/2026

TINGNAN I Sa mensaheng ibinahagi ng panauhing pandangal na si Daphne Villanueva Privaldos sa 54th Recognition Rites ng BRDHS, ipinaalala niya sa bawat awardee na ang tagumpay ay hindi lamang nasusukat sa talino at kakayahan, kundi higit sa lahat sa pagkakaroon ng mabuting karakter at integridad. Sa gitna ng pagtanggap ng mga parangal at pagkilala, ipinaalala niya na ang mga ito ay hindi katapusan ng paglalakbay, kundi simula pa lamang ng mas malalim na responsibilidad at patuloy na paghubog ng sarili.

Aniya bilang mga awardee, mahalagang tandaan na ang tagumpay ay isang “checkpoint” lamang, isang palatandaan na may naabot, ngunit may mas malayo pang kailangang marating. Ang kakayahan ay maaaring magdala sa isang tao sa entablado ng tagumpay, ngunit ang pananatili at pagpapatuloy dito ay nakasalalay sa kung anong uri ng pagkatao ang taglay. Sa mabilis na pagbabago ng mundo, mahalagang manatiling bukas sa pagkatuto at patuloy na paunlarin ang sarili, sapagkat ang kaalaman ay hindi nagtatapos sa loob ng paaralan.

Isa sa pinakamahalagang paalala ay ang pananatili ng determinasyon. Ang sigla at pangarap na nagdala sa isang mag-aaral sa kanyang tagumpay ay hindi dapat mawala, bagkus ay dapat pang pag-ibayuhin. Ang patuloy na pag-abot sa mas mataas na layunin ay nangangailangan ng tiyaga at dedikasyon, ngunit higit sa lahat, ito ay nakasalalay sa matibay na pundasyon ng mabuting pagkatao na magpapatibay sa bawat hakbang.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin din ni Daphne Villanueva Privaldos ang mga katangiang dapat taglayin ng bawat awardee: kababaang-loob, katatagan ng loob, at pananagutan. Ang kababaang-loob ay nagpapaalala na ang tagumpay ay hindi dapat gamitin upang magmataas, kundi upang makatulong at magbahagi sa kapwa. Ang katatagan ng loob naman ay nagbibigay lakas upang harapin ang mga pagsubok at bumangon mula sa kabiguan. Samantala, ang pananagutan ay nagtuturo na tanggapin ang resulta ng bawat desisyon at matuto mula rito, tagumpay man o pagkakamali.

Ang talino at kakayahan ay maaaring magdala sa isang tao sa tagumpay, ngunit ang karakter ang magpapanatili at magbibigay ng tunay na saysay dito. Bilang mga awardee, inaasahan na hindi lamang kayo magpapatuloy sa pagiging mahusay sa inyong ginagawa, kundi higit sa lahat ay magsisilbing huwaran ng integridad, disiplina, at malasakit sa kapwa. Sapagkat ang tunay na lider ay hindi nasusukat sa galing lamang, kundi sa katatagan ng prinsipyo at sa kakayahang mamuhay nang may dangal at pananagutan.

Sigya

Photos from Ang Sigya's post 31/03/2026

Ang buong publikasyon ay taos-pusong nagdiriwang sa matagumpay na pagtatapos ng tatlong kasapi ngayong taon. Hindi madali ang magpaalam sa mga kasangga na naging bahagi ng aming araw-araw na paglalakbay bilang mga manunulat. Mas nangingibabaw ang saya para sa inyong tagumpay, ngunit may kalakip na lungkot dahil maghihiwalay na ang ating mga landas. Sa kabila nito, buong puso kaming nagpapasalamat sa oras, sipag, at pagmamahal na ibinigay ninyo sa publikasyon. Ang inyong presensya ay naging mahalagang bahagi ng aming samahan, kayo ay mga haliging nagpatatag nito.

Sa aming EIC na si Shanaia, salamat sa lahat, sa mga tawang nakakahawa na nagpapagaan ng bawat pagod, at sa presensya mong laging nagdadala ng saya sa publikasyon. Higit sa lahat, salamat dahil hindi ka lamang naging isang lider sa amin, kundi naging sandigan ka rin sa mga panahong pinanghihinaan kami ng loob, lalo na ang mga batang kasapi. Naramdaman namin ang iyong malasakit, paggabay, at walang sawang paniniwala sa bawat isa. Ang iyong pagmamahal at dedikasyon ay hindi matatawaran. Hangad namin ang mas marami pang tagumpay para sa iyo sa mga susunod mong tatahakin.

Kay Shiela, kahit hindi palaging naririnig ang iyong boses, ramdam namin ang bigat at halaga ng iyong presensya. Isa kang tahimik na lakas, isang ate na hindi man maingay, ngunit laging nandiyan, gumagabay at sumusuporta. Nakikita namin ang iyong sipag, disiplina, at dedikasyon sa bawat ginagawa mo. Maraming salamat sa pagiging matatag na haligi ng publikasyon at sa pagiging inspirasyon ng iyong mga kapangkat. Ang iyong katahimikan ay may lalim na tunay na umaabot sa puso ng bawat isa sa amin.

Kay Rihanna, bagama’t maikling panahon ka lamang nakasama, nag-iwan ka ng bakas na mananatili sa alaala ng publikasyon. Malugod ka naming tinanggap bilang bahagi ng aming kuwento, isang kuwentong magiging bahagi ng mga salaysay ng mga susunod pang henerasyon ng mga manunulat. Maraming salamat sa iyong pagiging ate sa publikasyon, at sa kahit maikling sandali, naging tunay kang bahagi ng aming samahan.

Sa inyong tatlo, buong puso kaming bumabati sa inyong pagtatapos. Dalhin ninyo ang mga aral, alaala, at pagmamahal na iniwan ninyo rito. Higit sa lahat, ipagpatuloy ninyo ang pag-alab ng inyong puso sa pamamahayag. Lagi ninyong tandaan na dito sa publikasyon, mananatili kayong mahalaga, hindi lang bilang mga kasapi noon, kundi bilang bahagi ng aming pamilya. Maraming, maraming salamat.

-Mula sa buong publikasyon

Want your public figure to be the top-listed Public Figure in Baras?
Click here to claim your Sponsored Listing.

Category

Telephone

Website

Address


Osmeña
Baras
4803