End Times Message Ministry
18/03/2025
END TIME MESSAGE 8: Ang Pagiging Tunay na Alagad ni Jesus
May isang bata na palaging kasama ng kaniyang kuya tuwing umaga na mamalengke. Nang sila ay naglalakad, napansin ng nakatatandang kapatid na laging sumusulyap ito sa kaniyang mukha. Hindi na ito nakatiis at nahihiyang bumaling sa kaniyang kapatid, “May dumi ba ako sa mukha? Bakit kanina mo pa ako tinitingnan?”. Ngumiti lang ang bata at yumuko. Nagpatuloy sila sa paglalakad, maya-maya ay ganoon na naman ang kaniyang ginawa. “Ayan ka na naman. Bakit mo ba kasi ako tinitingnan?” Natatawa na sabi ng kuya. Yumuko ulit ang bata ngunit sumagot naman ng “Eh kasi wala na si itay. Hindi ko manlang siya naabutan. Nahihiya akong magtanong sayo kasi baka nalulungkot ka rin tuwing maaalala mo siya.” Huminto sila saglit sa paglalakad at saka umupo ang kuya at tumingin sa mata ng kapatid niya, “Ano bang tanong mo?” Nakangiti nitong tanong. “Mabait ba si papa? Palangiti at pasensyoso?” Sunud-sunod ang tanong ng kaniyang kapatid at masaya siya dahil nagkaroon na rin sila ng ganitong klase ng usapan. Masarap sariwain ang mga sandaling kasama niya ang kanilang am kung kaya’t walang pag-aalinlangan niyang sinabing, “Oo naman. Sobra.” Napanatag na ang bunso sa sagot ng kaniyang kuya habang naglalabas ng maliit na salamin mula sa kaniyang bag, “Hindi na ako mahihirapan alalahanin ang ating ama, tingnan mo ang mukha mo kuya, sabi nila kamukhang-kamukha mo ang ating ama, ngayon naman alam ko na ang ugali niya—totoo nga. Kagayang-kagaya ka niya.”
Nakakataba ng puso ang marinig na katulad natin ang Panginoong Hesus sa kilos at pananalita. Kung kaya’t sa ating buhay ating pinagsisikapang pamarisan ang buhay na nilakaran ni Kristo. Kung tayo ay nagsasabing, alagad, tagasunod at lingkod Niya—ang Kaniyang tuntunin, paniniwala, pamumuhay at prinsipyo ay bukas nating dapat tanggapin. Gustuhin man nating maging kagaya ni Kristo hindi natin ito kaya sa ating sariling lakas, kailangan natin hingiin ito mismo sa Kaniya na hindi nagdaramot at nanunumbat. Kailangan nating suriing ang buhay ni nilakaran Niya at prinsipyong kaniyang pinamuhay sa araw-araw na pagkakataon. Hindi ito madali. Sa iyong pagiging taga-sunod, nagdadala ka ngayon sa iyong sarili ng sinusuring buhay. Isang buhay na may pamantayang inuugali at pinamamarisan. Kung kaya’t kaakibat nito ang hindi mo dapat pagtakhan na pangbabatikos, pagpapahina at pagsasakripisyo lalo na’t ang mundong ating ginagalawan ay yumayabong ang iba’t ibang ahensya ng impluwensya. Ang pinakamadaling daan na nakita ni satanas ay dalhin mismo sa tahanan ang sentro ng impluwensya na ito. Nariyan ang mga gadgets, tv, kompyuter, tablet at kung anu-ano pa na isang pindot mo lang ay pwede ng maging parte ng iyong buhay kung hindi mo babantayan. Ginagawang mukhang normal ni satanas ang mga kasalanang nais niyang hindi mo pag-isipan ng masama, halimbawa sa pananamit, pagsasalita at pamumuhay na kung ikaw ay nagsasabing “Kristiyano” ay mamuhay ng ayon sa iyong sinusundan ngunit pinapanghina niya na iyong maalala ito sa araw-araw kung kaya’t nilulunod niya ang iyong paningin sa mga mababaw na bagay ng sanlibutan. Marami ang Kristyano sa pangalan lamang at hindi nais lumakad sa daang nilakaran rin ni Kristo na sa pinakasukdulan pa nga ay naghatid sa Kaniya sa kamatayan. Mayroong iba na nais lumakad ngunit hindi nagsasaliksik at pinupuno ang sarili sa pagkilala sa kaniyang sinusundan kung kaya’t natangay na lamang ng bulong ng sariling desisyon na hindi kailanman kaayon sa espiritu ng Diyos. Kinatamaran ang pag-aaral kung kaya’t ang buhay ay naging parang dayaming tinangay ng hangin kung saan. Ang masaklap pa ay nag-aangking taga-sunod ni Kristo ngunit ang buhay at prinsipyo ay direktang salungat. Nakakalungkot isipin diba?
Gusto mo rin bang maging tulad ng Diyos ayon sa iyong orihinal na pagkalikha at wangis? Masaya ka bang ituring na kawangis Niya? Sa iyong pamumuhay ba ay nakikita ng iba ang mukha ng Diyos sa iyo? Gaya ba ng kwento ay nakikilala ng iba ang ugali ng Diyos sa pagmamasid lamang ng iyong buhay? Buo ba ang iyong loob na tanggapin ang mga prinsipyo ng pamumuhay na ito hanggang kamatayan? Ito ang aming panalangin.
Ang aming facebook live sa March 19, 2025, Miyerkules sa ganap na ika-3 na hapon ay iikot tungkol dito. Ikaw ay malugod naming inaanyayahan. 🙏🏻
Click here to claim your Sponsored Listing.