Southern Tagalog Exposure
01/05/2026
MAYO UNO 2026: “Manggagawa, Ibayong Palakasin ang Pakikibaka para sa Kabuhayan at Karapatan! Mahigpit na Panghawakan ang Maso at Bumigwas Laban sa Nagpapatuloy na Kahirapang dala ng Imperyalistang Digma ng Estados Unidos, at Katiwalian ng Rehimeng Marcos at Duterte!”
Ito ang temang tangan ng ika-123 Mayo Uno ngayong taon, na nagdidiin sa mahalagang tungkulin ng mga manggagawa sa pakikibaka laban sa imperyalistang digma ng Estados Unidos at korapsyon sa ilalim ng kasalukuyang administrasyong Marcos Duterte.
Nagsimula ang pagkilos sa isang salubungan kanina, kung saan nagsama-sama ang mga manggagawa at iba pang sektor mula sa iba’t ibang panig ng rehiyon upang makiisa sa sentral na programa. Nagkasa rin sila ng mga desentralisadong pagkilos kaninang umaga.
01/05/2026
MAYO UNO 2026: Nagsisimula nang maramdaman ang diwa ng Mayo Uno sa Crossing, Calamba ngayong umaga habang naghahanda ang mga progresibong grupo para sa kanilang ilulunsad na programa mamayang hapon, 2 p.m., sa pangunguna ng Pagkakaisa ng mga Manggagawa sa Timog Katagalugan - Kilusang Mayo Uno (PAMANTIK-KMU).
Kasalukuyan nang sinisinsin ng mga grupo ang entabladong gagamitin para sa nasabing programa. Nagsisimula na ring mag-ensayo ang mga artistang magtatanghal sa gaganaping malawakang mobilisasyon ng rehiyon.
Matutunghayan sa gaganaping mobilisasyon para sa ika-123 Pandaigdigang Araw ng Paggawa ang iba’t ibang panawagan ng mga manggagawa para sa kanilang karapatan at kabuhayan.
01/05/2026
ALERT: Hinaharang ng Land Transportation Office (LTO) ang delegasyon ng mga manggagawa mula sa Quezon na patungo sana sa pangrehiyunal na mobilisasyon ngayong Araw ng Paggawa. Naganap ang insidente sa boundary ng Tiaong at San Pablo City bandang alas-9:45 ng umaga.
Ayon sa ulat, dalawang jeep ang pinara at tiniketan ng LTO matapos umanong ituring na “colorum” at “out of line.” Patuloy na binabantayan ang sitwasyon habang apektado ang biyahe ng mga delegado patungong Crossing, Calamba upang gunitain ang malawakang mobilisasyon ng Araw ng Paggawa.
Mga litrato mula sa College Editors Guild of the Philippines - Quezon
Click here to claim your Sponsored Listing.